Halos 800 indibidwal sa Indonesia ang nagkasakit sa magkakahiwalay na insidente ng food poisoning na iniuugnay sa programa ng pamahalaan para sa libreng pagkain.
Ayon kay Charles Honoris, isang mambabatas na miyembro ng parliamentary commission na nangangasiwa sa kalusugan, kabilang sa mga nagkasakit ngayong linggo ang 512 na mag-aaral sa Sidoarjo, East Java. Mayroon ding 49 na kaso sa Nganjuk at 237 naman sa Agam, West Sumatra.
Sinabi ni Honoris na hindi isolated cases ang mga insidente at tinawag itong indikasyon ng problema sa sistema.
Samantala, sinuspinde na ng National Nutrition Agency ang kitchen facility na pinaniniwalaang pinagmulan ng insidente sa Sidoarjo habang isinasagawa ang imbestigasyon.
Ayon naman sa isang education watchdog, umabot na sa mahigit 37,000 ang mga naiulat na kaso ng food poisoning na may kaugnayan sa programa hanggang Agosto 8.
Kabilang sa mga posibleng dahilan ang hindi wastong pag-iimbak ng pagkain at pagkaantala sa paghahatid nito.