Nanindigan ang Department of Transportation (DOTr) na tuloy ang pagbubukas ng unang 12 istasyon ng MRT-7 sa ikalawang quarter ng 2027.
Sa budget hearing ng ahensya, sinabi ni Transportation Secretary Giovanni Lopez na hindi lamang nila tinitiyak kundi ipinaglalaban na magiging revenue operation na ang 12 istasyon mula Sacred Heart hanggang North Avenue, pagsapit ng second quarter ng susunod na taon.
Dalawang istasyon na lamang ang hindi kabilang sa target na pagbubukas sa 2027—ang 13th at 14th stations sa Caloocan at San Jose del Monte.
Kasabay nito, tiniyak ng kalihim ang paghahanda ng DOTr sa inaasahang pagdami ng pasahero sa MRT-3 dahil sa common station sa Trinoma.
Sa kasalukuyan, umaabot sa average na 500,000 pasahero kada araw ang MRT-3.
Kabilang sa mga hakbang ang rehabilitasyon ng mga istasyon at bagon, paglalagay ng mga barrier, at pagpapanatili ng maayos na headway o pagitan ng mga tren.
Ayon kay Lopez, nakikipag-ugnayan din ang DOTr sa Trinoma Mall para magkaroon ng dedicated lane at sapat na espasyo para sa mga pasaherong lilipat mula MRT-7 patungo sa MRT-3 habang hindi pa ganap na operational ang signaling system ng common station.