Nilinaw ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na sumusunod sa prinsipyo ng “Tama, Tapat at may Integridad” ang procurement ng Family Food Packs o FFPs.
Paliwanag ni Atty. Karina Antonette Agudo, Director ng DSWD Admin Service at Concurrent OIC ng Procurement Management Division, dumadaan sa competitive bidding at transparent na proseso ang procurement, alinsunod sa Republic Act No. 12009 o New Government Procurement Act.
Sa kasalukuyan, ang Go Global International Corporation ang supplier ng food packs ng DSWD sa halagang P797.80 kada kahon.
Ayon kay Agudo, hindi dapat ikumpara ang presyo ng FFPs sa retail prices sa grocery dahil kasama sa halaga ang laman ng food pack, packaging, delivery, warehousing, manpower, at iba pang gastusin sa pagbuo at paghahatid nito.
Nilinaw din niyang hindi nakabase sa partikular na brand ang pagpili ng mga produkto. Sa halip, kailangang tumugma ang mga ito sa itinakdang specifications at quality standards ng DSWD.
Mahalaga rin ang matibay na packaging para maprotektahan ang laman ng FFPs habang ibinibiyahe at iniimbak.