Desisyon na ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagtatalaga at pagpapanatili sa acting capacity ng ilang miyembro ng gabinete at opisyal ng pamahalaan.
Pahayag ito ni Communications Usec. Claire Castro kasunod ng pagkwestyon ni Senador Imee Marcos sa aniya’y dose-dosenang listahan ng mga opisyal sa gobyerno, na nagsisilbi bilang acting officials.
Kung matatandaan, sinabi ng mambabatas na dapat gawing permanente ang appointment sa mga opisyal ng gobyerno, at hindi sa ilalim ng “acting capacity” upang masala at mabusisi sila ng Commission on Appointments.
Ayon kay Castro, prerogative na ni Pangulong Marcos ang pag-appoint ng mga opisyal.
“Unang-una po, prerogative po ng Pangulo iyan at tumutupad po ang pangulo sa batas. Kung nais nga po niya na lahat ay tumupad sa batas, due process, proseso. So, ang Pangulo po ay hindi lalabag sa batas.” — Castro.
Bukod dito, naaayon pa rin naman aniya sa batas ang acting appointment ng mga itinatalaga ni Pangulong Marcos.
“So, sa ngayon po ay naaayon pa rin po ang pag-a-appoint sa mga acting secretary katulad po ni Secretary Dave Gomez, siya po ay ad interim appointee po as of July 10. So, wala pong nilalabag na anumang proseso, batas ang ating Pangulo.” — Castro.