Nagpaabot ng pakikiramay ang Malacañang sa naiwang pamilya at malalapit sa buhay ng dalawang Filipino seafarer na nasawi sa pag-atake sa Saudi-flagged crude oil tanker na SIDR habang bumabagtas ito sa Strait of Hormuz.
Una nang sinabi ng Department of Migrant Workers (DMW) na nasa 16 ang mga Pilipinong tripulante na sakay ng tanker. Nagawa nilang ma-contain ang naganap na sunog na resulta ng pag-atake, ngunit nasawi ang dalawang Pilipinong seafarer.
Ayon kay Communications Usec. Claire Castro, mahigpit ang utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Department of Migrant Workers (DMW) na ibigay ang lahat ng tulong, benepisyo at kompensasyon sa pamilya ng mga nasawing seafarer.
Si DMW Secretary Hans Leo Cacdac, aniya, ay maya’t maya ang update kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kaugnay dito.
Ang pangako ng administrasyon, hindi pababayaan ng gobyerno ang pamilya ng mga nasawing seafarer.
