Nadagdagan pa ang mga lugar na may ipinatutupad na price freeze sa bansa kasunod ng deklarasyon ng state of calamity sa ilang probinsya dulot ng bagyo at Habagat.
Batay sa abiso ng Department of Trade and Industry may ipinatutupad na price freeze sa buong probinsya ng Pangasinan mula nitong August 31 hanggang sa October 30, 2026. Gayundin sa mga munisipalidad ng Basista at Aguilar.
August 28 hanggang October 27 naman ang ipinatutupad na price freeze sa Munisipalidad ng Infanta at Lingayen at August 20 hanggang October 19 naman sa munisipalidad ng Bayambang.
Mayroon na ring price freeze sa buong probinsya ng Tarlac mula pa noong August 30 hanggang sa October 29.
At pati na rin sa Olongapo City, Zambales na nagsimula naman noong September 1 hanggang sa October 31, 2026.
Ang price freeze ay otomatikong ipinatutupad sa loob ng 60 araw sa mga lugar na may state of calamity upang matiyak na hindi tataas ang presyo ng mga pangunahing bilihin.
Tinitiyak din nito na mapoprotektahan ang karapatan ng mga consumer lalo na mula sa mga negosyanteng posibleng samantalahin ang mataas na demand ng mga produkto kapag may kalamidad.