Nilinaw ng Philippine National Police (PNP) na hindi isyu sa seguridad kundi ang hindi pagkakaunawaan sa koordinasyon ang dahilan ng pagharang ng mga pulis at sundalo sa mahigit 100 miyembro ng MILF sa isang checkpoint sa Lanao del Norte.
Sa ambush interview sa Camp Crame kay PNP Spokesperson PCol. Allen Rae Co, patungo sana ang grupo ni Commander Longa mula Lanao del Sur sa isang aktibidad sa kampo ni Commander Bravo sa Lanao del Norte. Hinarang sila sa checkpoint dahil walang naunang koordinasyon para sa kanilang pagtawid sa naturang lalawigan.
Ayon kay Co, wala rin aniyang naipakitang kaukulang dokumento ang grupo kaugnay ng biyahe nila sa kabilang probinsya, kaya pinabalik na lamang ang mga ito sa Lanao del Sur para wala ng maging aberya.
Bagamat pinayagan namang makatawid ang limang sasakyang lulan ang mga sibilyang walang dalang armas.
Giit ni Co, walang naganap na komprontasyon o karahasan sa insidente.