Nagbabala si Senate Finance Committee Chairman JV Ejercito na maaaring hindi matalakay o ma-bypass ng Senado ang budget ng nasa 12 agencies dahil sa siksik na schedule bunsod ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Ejercito, kailangang pagsabayin ng Senado ang impeachment proceedings at budget deliberations para maiwasan ang posibilidad na mauwi sa reenacted budget ang 2027 National Budget.
Dahil dito, iminungkahi ni Ejercito na magkaroon ng isang caucus ng mga senador para makahanap ng pinakamainam na solusyon sa conflict ng kanilang mga schedule.
Samantala, pinahayag naman ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri na mahirap pagsabayin ang impeachment, plenary sessions at budget hearings.
Ayon kay Zubiri, umaabot sa 12 hanggang 14 na oras kada araw ang budget deliberations at karaniwang tumatagal ng dalawa hanggang tatlong linggo dahil kailangang talakayin ang pondo ng bawat departamento, ahensya at government-owned and controlled corporation (GOCCs).
Sinabi rin ni Zubiri na dahil sa impeachment trial, nasa isa hanggang dalawang priority legislation lang kada linggo ang kanilang natatalakay.
Umaasa naman si Impeachment Court Presiding Officer Francis Escudero makakahanap sila ng “happy compromise” para matupad ang dalawang mahalagang obligasyon ng Senado.