Inaprubahan ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang batas na naglalayong pagbawalan ang mga kamag-anak ng ilang public officials at government personnel na lumahok sa mga kontrata ng gobyerno.
Labinlimang senador ang bumoto pabor sa Senate Bill No. 1962, o ang panukalang Government Contracting and Procurement Integrity Act, walang tumutol at walang nag-abstain.
Sa ilalim ng panukala, hindi maaaring lumahok sa government contracts ang mga kamag-anak ng covered public officials hanggang fourth degree of consanguinity o affinity.
Saklaw nito ang procurement ng supplies, equipment at services, infrastructure projects, joint ventures, public-private partnerships at iba pang kasunduang gumagamit ng pondo o ari-arian ng gobyerno.
Bawal din sa mga disqualified relatives ang subcontracting, consortiums at iba pang business arrangements para sa government projects.
Ayon sa sponsor ng panukala na si Senador Chiz Escudero, layunin nitong maiwasan ang paggamit ng procurement rules para makinabang ang mga pinapaborang indibidwal at pamilya.
Kailangan din aniya ng mga pribadong kumpanyang sasali sa government procurement na magsumite ng sworn affidavit na nagsasaad na ang kanilang officers, board members at beneficial owners ay walang ipinagbabawal na relasyon sa mga covered public officials.
Ang mga lalabag ay maaaring makulong ng isa hanggang tatlong taon, pagmultahin ng hindi bababa sa isandaang libong piso at tuluyang pagbawalang lumahok sa government procurement.
Maaari ring patawan ng kaparehong parusa at perpetual disqualification sa public office ang mga opisyal na mapatutunayang responsable sa paglabag.