Ikinalugod ni Navotas Representative Toby Tiangco ang hakbang na alisin ang value-added tax o VAT sa system loss charge sa singil sa kuryente.
Ayon kay Tiangco, makatutulong ito para kahit bahagya ay mapababa ang electricity bills ng mga consumer.
Gayunman, iginiit ng mambabatas na hindi naman talaga dapat ipinapasa sa mga consumer ang gastos para sa system loss.
Sinabi ni Tiangco, na magandang hakbang ang pagtanggal ng VAT sa system loss charge, ngunit patuloy nilang isusulong ang panukalang batas na tuluyang nag-aalis ng system loss charges sa electricity bills.
Layunin aniya nito na tuluyang maibsan ang pasanin ng mga Pilipinong consumer sa mataas na singil sa kuryente.