Nakumpleto na ng Commission on Audit (COA) ang 50 fraud audit reports kaugnay ng mga flood control project at isinumite na ang mga ito sa Office of the Ombudsman para sa preliminary investigation at posibleng pagsasampa ng mga kaso.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Finance para sa panukalang 2027 Budget ng COA, sinabi ni COA Chairperson Gamaliel Cordoba na nagsisilbi ring testigo ang mga COA auditor sa mga kasong naisampa na sa korte at sa mga isinasagawang imbestigasyon ng Ombudsman.
Itinutok din ng COA ang audit nito sa mga flood control project sa Bulacan, na tinukoy ni Cordoba bilang tila “ground zero” ng kontrobersiya sa mga infrastructure project.
Samantala, sa naunang Budget Hearing para sa proposed budget ng Office of the Ombudsman, sinabi naman ng Ombudsman na 35 kaso na ang naisampa nila sa Sandiganbayan at Regional Trial Courts na may kaugnayan sa flood control anomaly habang 166 na kaso naman ang sumasailalim sa preliminary investigation.
Nagsasagawa rin ang Ombudsman ng 107 lifestyle checks.
Nanawagan naman si Senate Committee on Finance Chair Senador JV Ejercito na hayaang umusad ang mga imbestigasyon at panagutin ang sinumang mapatutunayang may ginawang iregularidad.