𝑫𝒂𝒕𝒊𝒏𝒈 𝑶𝑭𝑾, 𝒏𝒈𝒂𝒚𝒐𝒏 𝒂𝒚 𝒏𝒂𝒈𝒕𝒖𝒕𝒖𝒓𝒐 𝒏𝒂 𝒔𝒂 𝒑𝒂𝒎𝒑𝒖𝒃𝒍𝒊𝒌𝒐𝒏𝒈 𝒑𝒂𝒂𝒓𝒂𝒍𝒂𝒏.
Iyan ang naging karanasan ni Rose Anne Abuan, dating overseas Filipino worker (OFW) mula sa Daet, Camarines Norte na ngayon ay nagtatrabaho na bilang public school teacher.
Kwento ni Rose Anne sa Radyo Pilipinas Naga, pitong taon itong nagtrabaho sa Dubai, United Arab Emirates bilang isang pharmacy assistant. Naaksidente ito sa kanyang pinapasukan na farmacia na siyang ikinabali ng kaniyang paa.
Nataon na siya ay nagdadalang-tao ng mga panahon na iyon, kaya nag-avail na ito ng repatriation pabalik sa Pilipinas kahit nasa kasagsagan ng pandemya.
Sa kanyang pagbabalik sa Pilipinas at paglipat sa bagong karera, nag-apply si Rose Ann sa programang SPIMS (Sa Pinas, Ikaw ang Ma’am/Sir) ng Department of Migrant Workers (DMW) at Department of Education (DepEd). Matapos ang halos isang taong paghihintay, nakatanggap siya ng regular na posisyon sa DepEd.
Sa kasalukuyan ay isa siyang guro sa junior high school at nagtuturo ng Araling Panlipunan, Values Education (Val-Ed), at Technology and Livelihood Education (TLE).
Hindi lamang iyan, nakatanggap din siya ng cash assistance mula sa pamahalaan sa ilalim ng programa. Kamakailan lamang, naipagkaloob sa kanya ang ₱20,000 na tulong para sa kanyang teaching kit, na balak niyang gamitin pambili ng printer o laptop para sa paaralan. Ipinaabot ni Rose Anne ang kanyang lubos na pasasalamat sa DMW.
Dahil sa kanilang tulong, nakakuha siya ng regular na trabaho sa gobyerno na nagbigay sa kanya ng kapanatagan para sa kinabukasan ng kanyang mga anak nang hindi na kinakailangang mawalay sa pamilya.