Sa Department of Justice (DOJ) magpapaliwanag sila Representative Leandro Leviste, dating Rep. Jing Paras, at limang iba pa kaugnay ng honey trap scheme o sex scandal plot na umano’y pinlano nila laban kay Executive Secretary Ralph Recto.
Ito ay dahil sasampahan na ng reklamo ng National Bureau of Investigation (NBI) sina Leviste sa DOJ ng qualified human trafficking.
Ayon kay NBI Director Melvin Matibag, may sapat na silang ebidensyang hawak na magpapatotoo sa umano’y tangka ng mga mambabatas na sirain si ES Recto.
Hindi naman nakawala ang mga umano’y kasabwat sa plano. Kasama rin sa sasampahan ng reklamo ang mga umano’y taga-gawa ng script at affidavit na sina Atty. Ruy Rondain, Atty. Orlando Mendiola, at 2 junior associates ng Rondain & Mendiola Law Firm.
Kahit ang talent manager na si alyas Ken na nagturo kay Leviste bilang umano’y financier sa plano kasama rin sa reklamo.
Dati nang sinabi ni Director Matibag, na agad nilang isasampa ang reklamo laban kay Leviste kapag may sapat na silang ebidensya.
Wala pa namang sagot ang kampo no Leviste at iba pang sasampahan ng reklamo pero dati na nilang itinanggi ito.