Ipinasara ng Department of Migrant Workers (DMW) ang isang tourism consultancy agency sa Ortigas, Pasig City nitong Biyernes matapos matuklasan ang umano’y illegal recruitment scheme na ta-target sa mga Pilipinong nais magtrabaho sa ibang bansa.
Ayon kay Migrant Workers Assistant Secretary Jerome Alcantara, nakapagpadala na umano ang ahensya ng hindi bababa sa 80 manggagawa sa Bulgaria.
Sa bilang na ito, 70 ang nakalabas ng bansa, habang 10 ang na-offload ng Bureau of Immigration (BI) matapos kuwestiyunin ng mga awtoridad ang kanilang travel documents.
Sinabi ni Alcantara na nanghihikayat ang ahensya ng mga aplikante sa pamamagitan ng pag-aalok ng mga internship program at cultural exchange opportunities sa Germany, United Kingdom, at Bulgaria.
Kabilang sa mga trabahong iniaalok ang chambermaid, cook, caregiver, domestic worker, at amusement park attendant.
Umaabot naman umano sa P350,000 ang sinisingil na bayarin sa mga aplikante, habang ipinapangako ang buwanang sahod na nasa P150,000 hanggang P200,000.
“Magpapaalis sila either under a program na cultural exchange ‘yun o ‘di kaya nagpapaalis sila under the guise of an internship and training pero ang totoong kababagsakan nun, trabaho sa ibang bansa,” paliwanag ni Alcantara.
Natuklasan din ng imbestigasyon ng DMW na palihim nang nagpapalawak ng recruitment operations ang ahensya sa mga probinsya upang makahikayat ng mas marami pang aplikante.
Dahil dito, hinimok ng departamento ang publiko na i-report ang anumang kahina-hinalang recruitment activity.
Kasunod ng pagsasara sa ahensya, pinaalalahanan ni Migrant Workers Protection Bureau Director Romelson Abbang ang publiko na mga lisensyadong recruitment agency lamang ang maaaring magproseso ng overseas job placements para sa mga Pilipino.
Hinimok din ang mga naghahanap ng trabaho na tiyaking lehitimo ang kanilang inaaplayan sa pamamagitan ng pagbe-verify sa opisyal na channels ng DMW bago magbigay ng pera o anumang dokumento.
“Kung kayo ay nag-aapply ay ugaliin ninyong mag-verify muna sa Department of Migrant Workers kung ang inyong inaapplyan ay lisensyado sa DMW,” payo ni Abbang.
Samantala, nagbigay rin si Alcantara ng ilang paalala upang maiwasang mabiktima ng illegal recruitment ang mga aplikante. “Huwag magbabayad ng processing fee hangga’t hindi nakakapirma ng kontrata. Unang-una, huwag magbabayad ng processing fee o placement fee sa hindi lisensyado ng DMW. Pangalawa, kapag nagbayad, dapat may resibo at saka nagta-transact lamang sa loob ng opisina at pangatlo, huwag magbabayad ng higit doon sa allowed ng law. Kung Domestic Worker ‘yan, hindi pwedeng singilin ng placement fee ‘yan,” diin ni Alcantara.