Ilang biyahe ng mga barko sa Batangas, Metro Manila, at Mindoro ang kanselado ngayong Setyembre 5 dahil sa epekto ng Southwest Monsoon o Habagat.
Ayon sa Philippine Ports Authority (PPA), kabilang sa mga apektado ang SuperCat fastcraft mula Batangas Port patungong Calapan.
Sa NCR-South, kanselado rin ang biyahe ng MV June Aster ng Atienza Interisland Ferries mula Manila patungong Coron, El Nido at Liminangcong, gayundin ang MV October Lavender na biyaheng Manila-Coron.
Sa Mindoro naman, kanselado ang biyahe ng MV City of Bacolod mula Puerto Galera patungong Batangas, na nakatakda sanang bumiyahe kaninang 7:15 ng umaga at 12:30 ng tanghali.
Nilinaw ng PPA na hindi ito ang direktang nagkakansela ng mga biyahe. Awtomatikong kanselado ang mga ito kapag naglabas ang Philippine Coast Guard (PCG) ng no-sail policy, habang maaari ring magkansela ang mga shipping line alinsunod sa kanilang Certificate of Public Convenience mula Maritime Industry Authority (MARINA).