Mas pinalalakas pa ng Pilipinas at Estados Unidos ang kanilang ugnayan sa usaping pandagat matapos bumisita ang bagong talagang US Ambassador na si Lee Lipton sa punong himpilan ng Philippine Coast Guard (PCG) sa Maynila.
Sa pulong, nagpasalamat si PCG Commandant Admiral Ronnie Gil Gavan sa patuloy na suporta ng US Coast Guard sa pagpapalakas ng kakayahan ng PCG sa maritime law enforcement at operasyon. Tiniyak naman ni Ambassador Lipton ang patuloy na pakikipagtulungan ng Estados Unidos sa Pilipinas para sa mga magkatuwang na responsibilidad sa Indo-Pacific.
Tinalakay rin ang papel ng PCG bilang kasalukuyang chair ng ASEAN Coast Guard Forum, kabilang ang pagpapalawak ng information sharing at pagsasanay kasama ang mga regional partner. Kabilang din sa napag-usapan ang kooperasyon sa artificial intelligence at cybersecurity, kasunod ng pagtatatag ng Cyber Command ng PCG.
Ayon sa PCG, layunin ng pinalawak na kooperasyon na higit pang mapatatag ang seguridad sa karagatan, mapanatili ang kapayapaan at katatagan sa rehiyon, at maisulong ang mas matibay na ugnayan ng Pilipinas at Estados Unidos.