Personal na nagtungo sa Quezon City Hall of Justice si Vice President Sara Duterte bago magtanghali ngayong Sabado para harapin ang kasong grave threats at magpiyansa.
Bago ito, nakipagpulong muna si Duterte sa kanyang mga abogado bago siya pumasok sa korte.
Iginiit din ng bise presidente na hindi siya ligtas sa presensya ng mga security personnel, kabilang ang sarili niyang vice presidential security detail.
Ayon kay Duterte, nakatanggap siya ng mga dokumentadong banta at harassment mula pa noong 2023 at nangangamba siya para sa kaligtasan ng kanyang mga anak.
Binigyang-diin naman ng kanyang abogado na wala siyang intensyong umiwas sa batas at haharapin niya ang mga kaso habang ginagamit ang lahat ng legal na remedyo.
Biyernes nang maglabas ng warrant of arrest ang Quezon City Regional Trial Court Branch 98 laban kay Duterte matapos makitang may probable cause para litisin siya sa tatlong bilang ng grave threats.
Itinakda ng Department of Justice sa Php 120,000 ang piyansa para sa bawat bilang ng kaso.