Magtutulong-tulong ang pamahalaan at pribadong sektor para masolusyunan ang pagbaha sa North Luzon Expressway (NLEX) matapos ang matinding pagbaha dahil sa pag-apaw ng Tulaoc River sa kahabaan ng San Simon Interchange na naging sanhi ng pagparalisa ng trapiko sa lugar at abala sa mga motorista at komyuter.
Kasunod ito ng utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of Transportation, Toll Regulatory Board (TRB), at Metro Manila Development Authority (MMDA) na makipagtulungan sa NLEX Corp. para hindi na maulit ang perwisyong baha sa expressway, kung saan maraming motorista at komyuter ang na-stranded at nasayang ang oras sa biyahe.
“Grabe yung perwisyo nito sa mga kababayan natin, mga motorista, komyuter, at sa mga produkto natin. Tama na ‘yung debate. Ang kailangan dito, humanap tayo ng pinakamabilis, pinakaepektibong solusyon. Sabi ni Pangulo, tulung-tulong tayo,” sabi ni Public Works Secretary Dizon matapos mag-inspeksyon sa NLEX noong Huwebes. | via DPWH Press Release