Hindi umano dapat agad ituring na guilty si Vice President Sara Duterte kasunod ng paglabas ng warrant of arrest laban sa kanya ng Quezon City Regional Trial Court kaugnay ng kasong grave threats.
Ayon kay House Prosecutor at Bicol Saro Party-list Representative Terry Ridon, ang warrant ay hindi pa nangangahulugan ng pinal na hatol sa kaso.
Sinabi ni Ridon na magkakaroon pa rin ng pagkakataon ang bise presidente na iharap ang kanyang depensa at gamitin ang mga legal remedy na nakalaan sa kanya.
Binigyang-diin din ng mambabatas na hiwalay at magkahiwalay na proseso ang criminal case at ang impeachment proceedings laban kay Duterte.
Aniya, dapat hayaan ang korte at ang Senate Impeachment Court na gampanan ang kani-kanilang constitutional duties nang walang panghuhusga sa resulta ng alinmang kaso.
Samantala, sinabi ni Ridon na patuloy na tutuparin ng House prosecution panel ang constitutional mandate nito at itutuloy ang pag-uusig sa impeachment case hanggang sa matapos ang proseso. Una nang sinabi ng abogado ni Duterte na si Atty. Paul Lawrence Lim na walang intensyon ang bise presidente na umiwas sa batas at gagamitin niya ang mga legal remedy na maaari niyang gawin.