Photo courtesy of PHILVOCS
Nananatili sa Alert Level 2 ang Bulkang Mayon matapos makapagtala ng siyam na volcanic earthquakes sa nakalipas na 24 oras, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).
Batay sa pinakahuling monitoring ng ahensya ngayong araw, September 6, 2026, patuloy ding namataan ang crater glow sa bulkan, habang naitala ang sulfur dioxide emission na 6,756 tonelada bawat araw noong September 5. Nananatili rin ang pagbuga ng volcanic plume at naobserbahan ang panandaliang pamamaga at pag-impis sa hilagang-silangang bahagi ng bulkan.
Mahigpit na ipinagbabawal ng PHIVOLCS ang pagpasok sa 6-kilometrong Permanent Danger Zone (PDZ) sa paligid ng Bulkang Mayon, gayundin ang paglipad ng anumang sasakyang panghimpapawid na malapit sa tuktok nito. Nagbabala rin ang ahensya sa posibleng biglaang steam o phreatic explosions, rockfall, at lahar kapag may matinding pag-ulan.
Patuloy na hinihikayat ang mga residente at mga lokal na pamahalaan sa mga lugar na maaaring maapektuhan na manatiling mapagmatyag at sumunod sa mga abiso ng PHIVOLCS. Patuloy namang mino-monitor ng ahensya ang kondisyon ng Bulkang Mayon upang agad na makapagbigay ng kaukulang babala sakaling magkaroon ng pagbabago sa aktibidad nito.