Tiniyak ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila na nakahanda ang seguridad, trapiko, at medical response para sa ligtas at maayos na pagsasagawa ng 2026 Bar Examinations sa University of Santo Tomas o UST at San Beda University ngayong araw.
Ayon kay Manila Police District Director PBGen Arnold Santiago, nasa 180 pulis ang nakatalaga sa paligid ng UST, kabilang ang pagbabantay sa dalawang gate sa P. Noval Street at Lacson Avenue.
Sa San Beda University naman, 168 personnel ang naka-deploy at mahigpit na binabantayan ang pangunahing gate. Itinalaga rin ang Concepcion Aguila Street at J.P. Laurel Street bilang drop-off points para sa mga examinee.
Nakaantabay din ang medical personnel ng Manila City Disaster Risk Reduction and Management Department, habang naghanda naman ng mga tent sakaling umulan. Nakahanda rin ang Manila Traffic and Parking Bureau para mapanatili ang maayos na daloy ng trapiko.
Tiniyak naman ni Mayor Francisco “Isko” Moreno Domogoso, na nag-ikot madaling araw kanina, na nakalatag ang buong resources ng lungsod at MPD para sa kaligtasan ng mga examinee at kanilang pamilya. Hiling ng alkalde, sana ay makapasa ang lahat ng kumuha ng Bar Exams at maging mga abogado para makapaglingkod sa bansa.