Photo courtesy of DENR - National Capital Region
Kasabay ng mga isinasagawang rehabilitasyon ng Ilog Pasig, pinaigting din ng Department of Environment and Natural Resources – National Capital Region (DENR-NCR) ang pagbibigay kaalaman sa publiko sa kasalukuyang kalagayan at kahalagahan ng naturang daluyan ng tubig.
Sa panayam ng Kuwentuhang Green Mindset kay DENR-NCR Regional Executive Director Nilo Tamoria, ipinunto nya ang malaking papel ng kabataan sa pagsagip at pangangalaga ng Pasig River.
“Maaaring ang pananaw ng kabataan noon nung hindi pa nila ito nararanasan ay tapunan lang ng basura ang Pasig River, ay palikuran ang Pasig River, pero sa pamamagitan ng mga aktibidad na ito unti-unting mamumulat at sa pagkamulat ang kasunod ay ang pagbabago ng gawi o behavioral change. ‘Yung behavioral change naman po ang magtutulak sa kanila para makialam, para makisangkot, para maging katuwang sa rehabilitasyon dahil makikita nila ang kahalagahan ng daluyang tubig na ito. Hindi lamang sa usapin ng kapaligiran, hindi lamang sa usapin ng kabuhayan, hindi lamang sa usapin ng kasaysayan, kundi sa usapin ng sibilisasyon dahil tayong mga Tagalog ay nanggaling sa “taga-ilog” at ang tinutukoy dito ay ang Ilog Pasig,” paliwanag ni Tamoria.

Layon ng DENR na sa pamamagitan ng mga Dalaw Turo, pagsama sa River Tours at Heritage Walk ay mamulat ang publiko na kailangan ang whole-of-society approach upang mapanumbalik ang sigla ng Ilog Pasig.

“Iba ‘yung natutuhan mo sa pamamagitan lang ng pagbabasa at ‘yung natutuhan mo sa pamamagitan ng aktwal na pagbisita sa lugar. Kapag nakita na ito ng kabataan at naunawaan, ‘yung pagbabago ng mindset at pananaw ng kabataan,” dagdag pa ni Tamoria.
Inaanyayahan ang mga paaralan at organisasyon na makipag-ugnayan sa DENR-NCR upang maging kabahagi ng programang “Kabataan para sa Pasig River”.