Photo courtesy of DOST-Caraga
Isinusulong ng Department of Science and Technology (DOST) – Caraga ang mas malawak na paggamit ng artificial intelligence (AI) para sa micro, small, and medium enterprises (MSMEs) sa bansa.
Ito ay matapos lumagda ang DOST-Caraga at Limitless Lab sa isang partnership para sa capacity building at pagpapalakas sa AI literacy ng MSMEs.
Layunin nitong makapagsanay ng mga certified trainer at mabigyan ang mga negosyante ng praktikal na kaalaman at access sa AI tools na maaaring makatulong sa productivity, innovation, at business resilience.
Ayon kay DOST-Caraga Regional Director Engr. Noel Ajoc, sumailalim na sa mga pagsasanay ang mahigit 160 kawani na sila namang magsasanay sa iba pang MSME partners ng DOST.
Inaasahang 10,000 MSMEs ang matutulungan ng programa sa susunod na dalawang taon, habang target ng DOST-Caraga ang 1,000 MSMEs sa unang bahagi ng 2027.
Samantala, isinusulong ng DOST ang paggamit ng Decentralized Intelligent Machine Exchange Repository (DIMER) na binuo ng DOST – Advanced Science and Technology Institute (DOST-ASTI) para sa libreng access sa advanced AI technologies.