Walang magiging epekto sa nagpapatuloy na impeachment trial ni Vice President Sara Duterte ang kinakaharap nitong kasong grave threats sa Quezon City Regional Trial Court ayon kay Senate President Sherwin Gatchalian.
Ayon kay Gatchalian, magkahiwalay ang dalawang proseso dahil ang RTC ang humahawak sa criminal case laban sa bise presidente habang ang Senate Impeachment Court naman ang dumidinig sa impeachment case.
Sinabi ng Senate president na ang pagtukoy ng korte na may probable cause para ituloy ang kaso ay hindi nangangahulugang napatunayang nagkasala na si Duterte.
Pinaliwanag rin nitong na sa impeachment trial, kailangan pa ring maiprisinta ng kampo ni Duterte ang kanilang depensa bago magpasya ang mga senator-judge.
Nitong Biyernes, September 4, naglabas ng arrest warrant ang Quezon City RTC matapos nitong makita ang probable cause para kasuhan si Duterte ng tatlong counts ng grave threats.
Nag-ugat ang mga kaso sa mga pahayag ni VP Sara noong 2024 na nagsabing kumuha siya ng assassin para patayin sina Marcos, ang First Lady at Romualdez sakaling matuloy umano ang planong pagpatay sa kanya.
Matatandaang isa rin ito sa mga inihahaing artikulo ng prosekusyon sa impeachment trial ng bise presidente.
Samantala, hinimok din ni Gatchalian ang pulisya na seryosong imbestigahan ang pahayag ni VP Sara na nangangamba siya para sa kanyang buhay kasunod ng paglabas ng arrest warrant.
Ayon kay Gatchalian, dapat protektahan ng gobyerno ang lahat, kabilang ang bise presidente at hindi dapat balewalain ang anumang banta sa kanya o sa kanyang pamilya.