Photo by Senate of the Philippines FB
Itinutulak ni Senate Blue Ribbon Committee Chairperson Senador Erwin Tulfo ang pagpasa ng panukalang Masterplan for Infrastructure and National Development (MIND) Act para magkaroon ng pangmatagalan at magkakaugnay na plano para sa mga infrastructure project sa buong bansa.
Ayon kay Tulfo, lumutang sa patuloy na pag-ulan at pagbaha ang mga substandard na kalsada at tulay gayundin ang mga proyektong hindi natatapos dahil may pondo ang unang phase pero walang kasunod na budget para makumpleto ang proyekto.
Aniya, nasasayang lang ang pera ng taumbayan kapag hindi napapakinabangan ang mga proyektong hindi natatapos dahil sa kakulangan sa maayos na pagpaplano.
Binigyang-diin ni Tulfo, na mas kailangang maisabatas ang MIND Act ngayong nagsisimula na ang deliberasyon ng Senado sa panukalang 2027 national budget.
Nanawagan ang senador na tukuyin at tapusin ang “hanging projects,” habang ang mga bagong proyekto ay dapat nakaayon sa development plans hanggang sa local level.
Giit ni Tulfo, kailangang makayanan ng mga infrastructure project ang matinding panahon at pagbabago ng administrasyon at manatiling kapaki-pakinabang sinuman ang maupo sa gobyerno.
Nauna nang nangako ang senador na iimbestigahan ng Blue Ribbon Committee ang mga substandard na proyekto na lumitaw kasunod ng sunod-sunod na pag-ulan at pagbaha nitong mga nakaraang buwan.