Nilinaw ni Comelec Chairperson George Erwin Garcia na magkaiba ang hurisdiksyon ng poll body at Sandiganbayan kaugnay ng kasong kinakaharap ni Senator Rodante Marcoleta na may kinalaman sa campaign contributions noong 2025 National and Local Elections.
Sa ambush interview sa Comelec, sinabi ni Garcia na saklaw ng poll body ang mga usapin tungkol sa donasyon, kontribusyon at Statement of Contributions and Expenditures o SOCE na may kaugnayan sa halalan.
Ginawa ni Garcia ang pahayag kasunod ng argumento ni Marcoleta sa pagdinig sa Sandiganbayan na dapat Comelec, at hindi Sandiganbayan, ang may hurisdiksyon sa kasong kinakaharap niya dahil umano usapin ito ng halalan.
Ito’y sa kabila ng sinabi ng mga prosecutor na mismong si Marcoleta ang nagpahayag na hindi campaign donation ang naturang kontribusyon.
Ayon kay Garcia, saklaw ng Comelec ang mga usapin kung may sobra o kulang sa idineklarang SOCE. Gayunman, maaari pa rin itong habulin ng iba pang ahensya ng gobyerno kung may hiwalay na paglabag sa batas.
Sinabi rin ni Garcia na tapos na ang tungkulin ng Comelec sa kasong kriminal laban kay Marcoleta at wala nang nakabinbing criminal case laban sa senador sa poll body. Patuloy naman aniya dinidinig ang usapin tungkol sa posibleng multa.
Nilinaw din ng Comelec na hindi nangangahulugang ligtas na sa kasong kriminal ang mga taong nagbigay ng donasyon kay Marcoleta.