Nanawagan ang kampo ni dating House Speaker Martin Romualdez sa Ombudsman na maging patas at bigyan siya ng pagkakataong tumugon sa anumang bagong alegasyon laban sa kanya.
Kasunod ito ng pagkakaalis kay dating DPWH Secretary Manuel Bonoan bilang akusado sa ₱573-milyong plunder at graft case, sa hiling na rin ng Ombudsman.
Ayon kay Atty. Ade Fajardo, legal counsel at tagapagsalita ni Romualdez, nais nilang malaman kung may anumang pahayag si Bonoan na nag-uugnay sa dating speaker sa flood control scam.
Hiniling din ng kampo ni Romualdez, na ipaalam sa kanila kung may mga bagong alegasyon laban sa kanilang kliyente mula sa 28 bagong testigong sinasabing hawak ng Ombudsman.
Giit ni Fajardo, dapat mabigyan sila ng sapat na panahon para makapagkomento at makasagot sa anumang bagong impormasyon dahil hindi naman ito naisama sa affidavit na isinumite ng Leyte solon.
Noong August 20, naghain si Romualdez ng supplemental affidavit at hiniling sa Ombudsman na ihinto ang preliminary investigation laban sa kanya matapos bawiin ng limang Maleta Boys, kabilang ang pangunahing testigong si Orly Guteza, ang kanilang mga alegasyon.