Mahigit 21 milyong Filipino learners ang inaasahang makikinabang sa ₱10.8 bilyong pondo para sa learning recovery sa ilalim ng panukalang 2027 national budget.
Ayon sa Department of Budget and Management (DBM), ilalaan ang pondo sa Project for Learning Upgrade Support and Decentralization o PLUS-D Program, isang anim na taong programa ng Department of Education at World Bank na tututok sa pagpapalakas ng kasanayan sa Pagbasa at Matematika.
Target ng programa ang mahigit 11,000 paaralan sa buong bansa at mga mag-aaral mula Kindergarten hanggang Grade 10, kabilang ang mga nasa Alternative Learning System o ALS.
Sa halip na iisang solusyon para sa lahat, bibigyan ng PLUS-D ang mga paaralan at regional offices ng targeted grants at technical support upang makagawa ng intervention batay sa kanilang aktuwal na learning data at pangangailangan.
Maaaring gamitin ang suporta para sa teacher coaching, learning materials, assessments, digital tools, at iba pang hakbang para matulungan ang mga estudyanteng makahabol.
Ayon kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., mahalagang magkaroon ng learning systems na tumutugon mismo sa mga hamon ng mga mag-aaral.
Batay naman sa datos na binanggit ng Pangulo mula sa Second Congressional Commission on Education, nasa 70 porsiyento ng Grade 3 learners ang nahihirapan pa ring bumasa, sumulat, at lutasin ang basic arithmetic problems.
Layunin ng PLUS-D na matukoy kung saan higit na nahuhuli ang mga bata, mailapit ang tamang intervention sa kanila, at matulungan silang makahabol sa kanilang pag-aaral.