Photo courtesy of Department of Budget and Management (DBM)
Isinusulong ng Department of Budget and Management (DBM) ang bagong sistema na awtomatikong matutukoy at mailabas ang pondong kailangan para salary adjustments ng mga kawani ng gobyerno.
Ayon kay DBM Acting Secretary Kim Robert De Leon, sa halip na maghintay pa ng request mula sa mga ahensya ay gagamitin nila ang updated na plantilla records para makita kung may kakulangan sa pondong pambayad sa mga empleyadong na-promote o na-reclassify.
Mahalaga aniya ito lalo na para sa public school teachers at iba pang kawani ng pamahalaan na naghihintay ng kaukulang salary adjustment matapos ma-promote o mabago ang kanilang posisyon.
Iginiit pa ng Budget Department, na layon ng reporma na mabawasan ang paperwork at mapabilis ang pagbibigay sahod at iba pang benepisyo sa mga kawani ng gobyerno.
Target ng DBM na subukan ang bagong sistema sa iba’t ibang ahensya sa ikaapat na quarter ng 2026.