Pinag-aaralan ng Department of Agriculture (DA) ang pagtatayo ng malawakang canal network sa Candaba Swamp sa Pampanga para makatulong sa problema ng pagbaha sa Central Luzon.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., maaaring umabot sa 100 metro ang lapad at pitong metro ang lalim ng mga planong kanal.
Naglaan ang DA ng ₱150 milyon para sa feasibility study kasama ang isang Vietnamese university at mga engineering contractor.
Layunin nitong alamin kung maaaring gawing imbakan ng tubig, irrigation system at agricultural transport network ang tinatayang 6,000 ektaryang Candaba Swamp.
Sinabi ni Tiu Laurel na maaaring magsilbing holding area ng tubig-baha ang mga kanal tuwing malakas ang ulan.
Maaari rin itong magbukas ng karagdagang lupang maaaring sakahin at magsilbing alternatibong ruta sa pagbiyahe ng mga produktong agrikultural.