Hinihikayat ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga lungsod at munisipalidad sa Pilipinas, na tularan ang sistema ng Marikina City sa solid waste management.
Ginawa ng Pangulo ang pahayag sa inspeksiyon sa Marikina River Linear Park at Centralized Materials Recovery Facility (MRF) sa Barangay Sto. Niño.
Sabi ng Pangulo, isa itong magandang halimbawa at dapat na ituring na template, na maaaring makatulong para bawasan ang pagbaha sa iba’t ibang panig ng bansa.
“At, it is not only the flood management, it is not only part of flood management, but it is also in terms of the environment na malaki ang naitutulong.”-Pangulong Marcos
Ayon kay Pangulong Marcos, ipinakita ng karanasan ng Marikina na hindi sapat ang paglilinis at pangu-ngolekta ng basura upang mabawasan ang pagbaha.
Kailangan aniya ng komprehensibong sistema na nagsisimula sa maayos na pagse-segregate, pangongolekta ng basura, hanggang sa recycling at recovery.
“Hindi lamang pupunta sa ilog tapos magde-desiltation o mangongolekta ng basura, pero dito sa Marikina, over the last four, 10 years, 11 years, nagawan nila, nalagyan nila ng sistema. Kaya tayo nandito dahil ito ang pinakamagandang halimbawa ng circular economy.” -Pangulong Marcos
Bukod dito, nilinis din ng Marikina ang mga no-build zone sa kahabaan ng ilog, inilikas ang mga istrukturang nasa restricted areas, at naglagay ng mga trash catcher upang mapigilan ang pagpasok ng basura sa ilog.
Ayon sa Pangulo, nakatutulong din ang MRF sa flood mitigation dahil nababawi at napoproseso nito ang mga materyales, na maaaring mapunta sa mga daluyan ng tubig at drainage system.
“At ito ay dapat na maging template at nagiging template na ngayon sa lahat ng iba’t ibang lungsod sa Pilipinas, lalong-lalo na siyempre dito sa NCR.” -Pangulong Marcos