Nananatiling kontrolado ng Philippine National Police (PNP) ang sitwasyong panseguridad sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) isang linggo bago ang makasaysayang Parliamentary Elections.
Ito ang binigyang-diin ni PNP Chief, PGen. Jose Melencio Nartatez Jr. sa kabila ng independent report ng Climate Conflict Asia na tadtad umano ng political rivalries, clan feud at land dispute ang poll seasaon.
Kabilang na rito ang tangkang pananambang kay BARMM Interim Minister Abdulraof Macacua.
Pero sa flag raising ceremony sa Kampo Crame ngayong Lunes, inatasan ng PNP Chief ang mga tauhan nito na laging maging handa na tumugon sa pangangailangan.
Paalala niya, tungkulin ng PNP na pangalagaan ang kalayaan ng mamamayan na makaboto ng kanilang lider sa tulong ng iba pang ahensya gaya ng AFP at ng Commission on Elections (COMELEC).
Una nang ini-ulat ng poll body na aabot na sa 25 ang naaresto dahil sa iba’t ibang paglabag sa BARMM na karamiha’y paglabag sa gun ban.
Gayunman, tuloy ang paghahanda ng COMELEC na nakapagpakalat na ng 7,000 Automated Counting Machines at inaasahan na makukumpleto sa 105 na munisipalidad hanggang bukas, Setyembre 8.
Tukoy na rin ang nasa 5,512 voting precints at halos 2.4 milyong registered voters sa lugar.