Tuluyan nang inaprubahan ng Kamara sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang batas na magpapalawig sa termino ng mga halal na barangay at Sangguniang Kabataan officials mula apat tungo sa limang taon.
Sa botong 211 pabor, 13 tutol at isang abstention, pinagtibay ang House Bill 10971 na nagtatakda ng limang taong termino ng mga barangay at SK officials.
Sa ilalim ng panukala, mananatili ang limitasyon na hanggang tatlong magkakasunod na termino para sa mga barangay official, habang isang termino lamang ang maaaring pagsilbihan ng isang SK official sa parehong posisyon.
Itatakda naman ang susunod na regular na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections sa ikalawang Lunes ng Nobyembre 2028 at bawat limang taon pagkatapos nito.
Itinuturing na nakatapos na ng isang termino ang mga kasalukuyang barangay official dahil sa dalawang taong extension ng kanilang termino, kaya hindi na maaaring tumakbo sa parehong posisyon sa 2028 ang mga kasalukuyang nagsisilbi na ng kanilang ikatlong magkakasunod na termino.