Mahigpit pa ring binabantayan ng Department of Environment and Natural Resources-Environmental Management Bureau (DENR-EMB) ang kalidad ng hangin sa bansa dahil sa haze na nakikita sa ilang lugar.
Posibleng nagmula ang haze sa mga sunog sa Kalimantan, Indonesia na itinulak ng hangin patungong Pilipinas.
Ayon sa DENR-EMB, “good” o ligtas ang air quality sa lahat ng monitoring stations sa Metro Manila para sa PM10 at PM2.5, na kabilang sa mga pollutant sa hangin.
Gayunman, may ilang lugar na nakapagtala ng mataas na antas ng PM2.5.
“Acutely unhealthy” ang naitala sa Iligan City, habang “very unhealthy” naman sa ilang bahagi ng Palawan, Davao, Digos, at Cabadbaran.
Pinapayuhan ang publiko na bawasan ang matagal na pananatili sa labas, partikular ang mga bata, senior citizen, at may sakit sa baga o puso.
Pinag-iingat din ang publiko at pinapayuhang magsuot ng N95 o katulad na maskara sa mga lugar na may haze.