Itinakda ng Sandiganbayan 3rd Division sa Huwebes, September 10, alas-8:30 ng umaga, ang pagdinig sa mosyon ni dating House Speaker Ferdinand Martin Gomez Romualdez na manatili sa Cardinal Santos Medical Center habang nasa kustodiya ng Philippine National Police (PNP).
Para sa pagdinig, ipinatawag ng korte bilang mga testigo ang apat na doktor ni Romualdez at inatasan ang mga ito na magbigay ng kaukulang medical records.
Sa report ng Sandiganbayan Sheriff, nakasaad na nadatnan si Romualdez sa Cardinal Santos na nakahiga sa kama, may IV fluids at oxygen support. Sinabi rin ng kanyang mga doktor na nakaranas siya ng chest pain at may coronary artery disease, bukod sa iba pang kondisyon, at maaaring maging delikado ang pagbiyahe o paglipat sa kanya.
Naipadala rin ni Romualdez sa korte ang kanyang Manifestation and Urgent Motion, kung saan hiniling niyang manatili sa ospital sa ilalim ng tuloy-tuloy na kustodiya at security measures.
Kinumpirma naman ng PNP-CIDG NCR sa Return of Warrant na naisilbi ang warrant kay Romualdez sa Cardinal Santos at nasa kustodiya at seguridad nila ang akusado habang naka-confine.
Binigyang-diin naman ng anti graft court na ang custody kay Romualdez ay nasa Sandiganbayan at ito lamang ang maaaring magpasya kung makaaapekto ang kanyang kondisyon sa pagpapatupad ng warrant, hospital confinement, o paglipat sa detention facility.