Nakapaglabas na ng mahigit 3.17 milyong family food packs ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa mga pamilyang naapektuhan ng magkakasunod na bagyo at Habagat.
Ayon kay DSWD Assistant Secretary Irene Dumlao, pinakamalaki ang naipamahagi sa Central Luzon na may mahigit 1.79 milyong food packs, sinundan ng Ilocos Region na may 623,382.
Mayroon ding 286,442 food packs para sa CALABARZON, 171,263 sa NCR at 135,153 sa Bicol Region.
Bukod dito, namahagi ang DSWD ng ready-to-eat food boxes at non-food items.
Batay sa pinakahuling DROMIC report, umabot sa Php2.188 bilyon ang kabuuang humanitarian assistance na naipamahagi ng ahensya.
Tiniyak ng DSWD na magpapatuloy ang augmentation assistance sa mga LGU habang nangangailangan ng tulong ang mga apektadong pamilya.