Isinusulong ng Bureau of Immigration (BI) ang P240 service fee sa bawat international traveler para pondohan ang panukalang modernized border security system.
Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado, isa ito sa pinakamurang border security fees kumpara sa ibang bansa.
Sa House hearing, sinabi ni Viado na umaabot sa P2,600 ang singil sa Australia, P2,400 sa Singapore, P1,200 sa Japan, at P1,500 sa Hong Kong.
Iginiit ni Viado na hindi buwis ang P240 kundi service fee para sa modernisasyon ng border control system.
Kabilang sa sistema ang facial recognition, behavioral analytics, at access sa Interpol databases para sa pagtukoy sa mga high-risk traveler.
Samantala, 5% ng tinatayang P202-bilyong koleksyon sa loob ng 20 taon ang mapupunta sa gobyerno, habang 95% naman ang mapupunta sa pribadong proponent.
Tinatayang P10.74 bilyon ang halaga ng proyekto na ipatutupad sa 11 paliparan at border points.
Gayunman, nilinaw ni Viado na panukala pa lamang ang proyekto at wala pang pirmadong kontrata.