Balik-bansa na ang 14 na tripulanteng Pilipino ng Saudi-flagged oil tanker na MT SIDR na inatake habang tinatangkang tumawid sa Strait of Hormuz noong August 30.
Kabilang ang mga ito sa kabuuang 16 na Pilipinong sakay ng naturang barko kung saan, nasawi ang dalawa sa kanila kasunod ng naging pag-atake.
Ayon sa Department of Migrant Workers (DMW), mula Muscat, lumapag ang Oman Air flight WY843 sakay ang mga naturang OFW sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1, ganap na alas-9:54 kaggabi.
Personal silang sinalubong ni Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Leo Cacdac, Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Administrator PY Caunan, gayundin ang mga kinatawan mula sa Department of Foreign Affairs (DFA), Department of Health (DOH), at iba pa.
Dito, tumanggap sila ng kaukulang tulong pinansyal at pangkabuhayan mula sa DMW at OWWA, alinsunod na rin sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na walang OFW ang maiiwan sa kanilang pakikipagsapalaran sa ibang bansa.

