Tiniyak ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian na nakatuon sa people-centered investments ang panukalang ₱241.2 bilyong budget ng DSWD para sa 2027, partikular sa social protection at social development.
Sa pagharap ng kalihim sa House Appropriations Committee, binigyang-diin nito na kabilang sa tututukan ang human capital development, community-driven development at agarang disaster response.
Punto nito, malinaw ang direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na dapat agad na nakatutugon ang gobyerno at patuloy na umaalalay sa mga pamilyang nangangailangan hanggang sa makabangon ang mga ito.
Kaugnay nito, inihayag din ng kalihim ang mas mababang budget sa National Expenditure Program (NEP), kabilang ang Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS).
Aniya, dahil demand-driven ang AICS, maaaring hindi sapat ang nakalaang pondo para mapanatili ang parehong antas ng serbisyo sa nakalipas na dalawang taon. Ipinaabot na rin umano ng kagawaran ang concern na ito sa budget sponsor at House Appropriations Committee.
Sa kabila ng mga pagbawas sa ilang programa, pinanatili naman ng DSWD ang GAA budget levels para sa ilang flagship programs kabilang ang Tara, Basa! Program at Pag-abot Program.
Ibinida rin ng kalihim ang fiscal discipline ng kagawaran, matapos makamit ang halos 100% utilization rate sa ₱265 bilyong 2025 budget ng DSWD.
📸 DSWD
