Inaasahan ng Quezon City Epidemiology and Surveillance Division na pababa na ang kaso ng Leptospirosis sa lungsod.
Ito ay sa gitna ng naitalang mataas na kaso nitong Agosto, kung saan sunod-sunod ang pag-ulan at pagbaha bunsod ng Habagat.
Ayon kay Dr. Rolly Cruz, head ng QC Epidemiology and Surveillance Division, nakapagtala ang lungsod ng 738 kaso mula Enero hanggang Setyembre 7 ngayong taon, na umabot pa sa epidemic threshold.
Karamihan sa mga nagkasakit ay mga lalaki, nasa edad 30 anyos, at may mga trabahong nangangailangan ng paglabas ng bahay gaya ng mga tricycle driver, delivery rider, at construction worker.
Kabilang sa mga lugar na may pinakamaraming kaso ang Barangay Commonwealth, Batasan, at Tatalon.
Sa kabila nito, hindi pa naman umano nahihirapan ang mga ospital sa lungsod sa pagtugon sa mga pasyente.
Umaasa si Dr. Cruz na hindi na madagdagan ang mga kaso sa susunod na linggo kung tuluyan nang titigil ang pag-ulan.
Patuloy ding pinalalakas ang information drive sa mga barangay tungkol sa pag-iwas at maagap na paggamot sa Leptospirosis.