Timbog ang dalawang lalaki habang aabot sa ₱3.5-milyong pisong halaga ng mga produktong petrolyo ang nasabat ng mga awtoridad.
Ito’y kasunod ng magkatuwang na operasyon ng Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) at ng Department of Energy (DOE) sa Brgy. Bacahao Ibaba, Gasan sa Marinduque.
Nasakote ang dalawa matapos mahuli sa akto na nagsasagawa ng “PAIHI” ng petrolyo sa isang tanker at nagbebenta nito nang walang kaukulang permiso mula sa DOE.
Nakuha ng mga awtoridad ang nasa 19,800 litro ng mga produktong petrolyo na nagkakahalaga ng ₱1.7-milyong piso gayundin ang 10 wheeler tank lorry na halos ₱2-milyong piso ang halaga.
Pinuri ni PNP Chief, Police Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. ang mga nagkasa ng operasyon na sumasalamin sa kanilang pangako na agad tumugon sa mga aktibidad na naka-a-apekto sa kaligtasan ng mga komunidad.