Tiniyak ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na handa ang agarang tulong sa mga Pinoy seafarers na nakakaranas ng welfare concern, emergency o kahit problema sa ruta o paglalayag habang nasa barko o sa ibang bansa.
Sa abiso ng OWWA, pinapayuhan ang mga marino na agarang lumapit o tumawag sa kanilang tanggapin upang agad na mabigyan ng tulong.
Lalo na ngayon patuloy ang pagdami ng maritime security concerns sa iba’t ibang bahagi ng mundo, kabilang ang Black Sea, Strait of Hormuz, Gulf of Aden, at iba pang high-risk areas.
Ayon sa OWWA pinalalakas ang pagtutulungan ng pamahalaan upang mabigyan ng tulong ang mga Pilipinong marino
Para naman makalapit tumawag lang hotline ng OWWA na 1348 na bukas at matatawagan 24/7.
Naka-link ito sa operations center kung saan may mga nakaantabay na mga call center agents araw man o gabi upang matiyak na hindi mapapabayaan ang mga OFW na manghihingi ng tulong
Kahit naman mga pamilya ng marino maaaring lumapit o tumawag sa hotline lalo na kung may impormasyon sa lagay ng kanilang kaanak sa ibang bansa
Bukas din ang viber at whatsapp ng OWWA na 09278245975 o kaya ang kanilang email na owwacares@owwa.gov.ph
Para sa mas mabilis namang koordinasyon ihanda ang pangalan ng marino, pangalan ng barko, kasalukuyang lokasyon, manning agency, at maikling detalye ng concern.
Kung ang concern ay may kinalaman sa right to refuse sailing, deployment, maritime safety, o compliance ng employer, principal, o manning agency, agad itong iko-coordinate ng OWWA sa Department of Migrant Workers at sa kaukulang tanggapan para sa nararapat na aksyon.