Gumagawa na ng sariling paraan ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) upang kahit papaano ay maibsan ang nararamdamang kakulangan ng kuryente sa Visayas grid.
Sa panayam ng Mark In, Mark Out kay NGCP Spokesperson Atty. Cynthia Alabanza, sinabi nitong inatasan na sila ng Department of Energy (DOE) na kumontrata ng battery plants na accredited sa DOE para sa ancillary services, upang magamit ang maiimbak na kuryente tuwing umaga gamit ang solar energy sources.
Isa umano kasi ito sa mga itinuturing nilang pansamantalang solusyon upang kahit paano ay maibsan ang alert status sa Visayas grid.
Ngunit mas makabubuti pa rin kung madaragdagan na ang kapasidad ng power generation sa Visayas upang tuluyan nang mawala ang alert status sa Visayas grid at magtuloy-tuloy ang suplay ng kuryente.
Sa ngayon, 30 power plants ang nasa unplanned o unscheduled shutdowns habang 14 naman sa mga power plant ang nag-ooperate na mas mababa pa sa kanilang full capacity na dahilan ng pagnipis ng kuryente sa Visayas grid.