Gumugulong ang hustisya sa bansa, at pananagutin ng batas ang mga nagkaroon ng paglabag.
“Ang kailangan lang po dito ay dapat mapanagot, ang dapat na mapanagot. Hindi na po siguro makakaapekto kung anuman ang damdamin ng Pangulo, masaya, malungkot anuman, hindi na po siya importante.”
Ito ay ayon kay Communications Undersecretary Claire Castro na hindi mahalaga ang damdamin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., kaugnay sa pagkaka-aresto ng kaniyang pinsan na si dating House Speaker Martin Romualdez sa kasong plunder, kaugnay sa umano’y kickback na tinaggap nito mula sa government projects.
Ayon kay Castro, ang importante sa usaping ito, masingil ang mga dapat masingil.
Dapat rin aniyang ibahagi ni Romualdez ang lahat ng kaniyang nalalaman kaugnay sa mga ibinibintang sa kaniya.
“Noon pa naman po sinasabi ng Pangulo, na lahat kayo, kung mayroon kayong alam at kailangang lumabas kayo at kayo’y mayroon sapat na ebidensiya, hindi gawa-gawang kwento at masa-substantiate ninyo ang akusasyon ninyo, kailangan po kayong lumabas, para malaman natin kung sino ang dapat na managot,” dagdag ni Castro.
Kaugnay naman sa mga nagsasabi na tila nilaglag si Romualdez, sinabi ni Castro na hindi angkop ang salitang ito, lalo’t ang Ombudsman mismo ang humusga, nag-imbestiga, at nagsuri sa mga iprinesentang ebidensya.
Si Pangulong Marcos, neutral at mananatiling nakasalig sa batas, proseso, at sa mga totoong ebisdensya. “Kung may mga kritikong nagsasabing nilaglag, hindi namin nais gamitin ang word na nilaglag. Dahil ito naman po according to the Office of the Ombudsman mayroon silang nakitang ebidensiya. So, walang dapat nilalaglag dito, kung ano lang iyong ebidensiya na nandidiyan, iyon lang—doon lang tayo bumase, dahil ang Pangulo po sa mga bagay na ganyan ay neutral, proseso, batas at walang dapat na gawa-gawang ebidensiya,” ani Castro.