Photo courtesy of Senate of the Philippines
Tiniyak ni Senador Chiz Escudero na papasa sa constitutional scrutiny ang panukalang gawing limang taon ang termino ng mga barangay at Sangguniang Kabataan officials.
Ito ang sinabi ni Escudero sa pagdinig sa Senate Bill No. 2387, matapos kuwestyunin ni Senate President Sherwin Gatchalian ang constitutionality ng panukala dahil kalakip ng panukalang pagpapalawig ng termino ang postponement ng Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) ngayong Nobyembre.
Ayon kay Escudero, hindi simpleng pagpapaliban ng barangay elections ang layunin ng panukala kundi ang pagtatakda ng bagong haba ng termino ng mga barangay officials.
Aniya, kapareho ito ng Republic Act No. 12232, na nagtakda ng apat na taong termino ng barangay officials at naging dahilan para mausog ang BSKE sa 2026 mula sa 2025.
Ipinaliwanag ni Escudero na sa desisyon ng Korte Suprema noong 2025, kinilala ang kapangyarihan ng Kongreso na magtakda ng termino ng mga barangay officials.
Dahil dito, sinabi ni Escudero na ang Senate Bill No. 2387 ay isang term-setting bill at hindi batas na ang tanging layunin ay ipagpaliban ang halalan.
Ang pagkausog ng election, aniya, ay incidental o natural na epekto lamang ng pagbabago sa haba ng termino.
Tiniyak ni Escudero na natuto na ang Kongreso sa naging problema noong 2023, nang ideklarang unconstitutional ng Supreme Court ang batas na direktang nag-postpone ng barangay elections.
Sinabi naman ni Gatchalian na mahalagang matiyak ito dahil posibleng muling umakyat sa Korte Suprema ang panukala sakaling maging batas. Ayon sa Senate President, ayaw ng Senado na maulit ang naging desisyon ng Korte Suprema noong 2023 sa Macalintal versus Comelec.