Nakikipagtulungan ang National Nutrition Council (NNC) sa mga lokal na pamahalaan upang madagdagan ang Barangay Nutrition Scholar (BNS) sa mga pamayanan.
Sa datos ng NNC, nangunguna sa pinakamaraming bilang ng BNS sa Metro Manila ang lungsod ng Maynila na mayroong higit sa 200, na sinundan ng Caloocan City na may 175 scholars at Quezon City na mayroon namang 145 scholars.

Ayon sa Presidential Decree No. 1569, kailangang magkaroon ng BNS sa bawat barangay upang magsilbing tulay ng komunidad sa serbisyong pangnutrisyon. Ilan lamang sa mga tungkulin ng BNS ay ang pagtutok sa malnutrisyon sa mga bata, pagsasagawa ng community-based feeding program, nutrition counseling, at pagtutok sa mga programang pangnutrisyon katulad ng deworming at immunization.

Tutugunan ng madadagdag na BNS ang kakulangan sa ibang mga local government unit (LGU) kung saan iisang BNS lamang ang nakatalaga sa higit sa dalawang barangay.
Hangad ng NNC at LGUs na mas tumaas pa ang bilang ng BNS upang mas matutukan ang nutrisyon ng bawat pamilya sa lahat ng lungsod sa Pilipinas.
Maaari bisitahin ang opisyal na website ng NNC para sa karagdagang detalye ng mga nais makasali sa Barangay Nutrition Scholar Program.