Inilatag na ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang large-scale security deployment para sa kauna-unahang Parliamentary Elections sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) sa September 14.
Ayon kay PNP Chief PGen. Jose Melencio Nartatez Jr., layunin ng deployment na matiyak ang ligtas at malayang pagboto, habang nanawagan sa publiko na i-report agad ang anumang kahina-hinalang aktibidad.
Batay sa datos, kabuuang 9,821 pulis ang nakakalat sa iba’t ibang lugar na sakop ng election security operations sa rehiyon, na mas mataas sa 9,435 na naunang deployment.
Sa naturang bilang, aabot sa 4,361 pulis ang magmumula sa Police Regional Office BARMM, habang nasa 5,460 pulis ang magsisilbing augmentation team mula sa ibang Regional Office at Specialized Units.
Pinakamalaking bahagi ng deployment ay nakalaan sa 4,313 voting centers, bukod pa sa mga COMELEC offices, treasurers’ offices, at checkpoints sa buong rehiyon.
Mayroon ding 2,120 Quick Reaction Forces na nakahanda para sa agarang pagtugon sa anumang insidente.
Kabilang din sa deployment ang 1,754 Special Electoral Board personnel na itatalaga para tumulong sa mga election-related duties.