Pinalalakas ng Marcos Jr. Administration ang mga paghahanda ng bansa kontra El Niño.
Sa gitna ito ng mga paga-aral sa posibleng epekto sa mga komunidad, agrikultura, at supply ng tubig, ng pinag-samang epekto ng Climate Change at tag-tuyot.
Ayon kay Communications Usec. Claire Castro, bagama’t natural na pangyayari ang El Niño, mahalagang isaalang-alang ang nagbabagong kondisyon ng klima, upang mas maunawaan kung paano nito maaaring maapektuhan ang tindi at lawak ng El Niño.
“Alam naman natin na ang El Niño ay isang natural phenomenon, pero sa nararamdaman natin na climate change, kailangan din nating pag-aralan kung ano ang maaari pang maidulot ng El Niño,” -Castro.
Maaari kasi aniya na maging mas matindi ang karaniwang epekto ng El Niño dahil sa climate change, kabilang ang matinding init, tag-tuyot, kakulangan sa tubig, at panganib sa produksyon ng pagkain.
“Dahil sa climate change, baka mas matindi ang mararamdaman at magiging epekto ng El Niño,” -Castro.
Kung matatandaan, una nang in-activate na ng Department of Agriculture (DA) ang El Niño Task Force upang palakasin ang pagtugon ng pamahalaan at patuloy na subaybayan ang kondisyon ng El Niño sa iba’t ibang bahagi ng bansa. | ulat ni Racquel Bayan