Iginiit ni Ako Bicol Party-list Representative Alfredo Garbin Jr. na ang Saligang Batas pa rin ang pinaka-maaasahang batayan sa pagtukoy ng voting threshold para sa conviction sa impeachment trial.
Ito ay matapos magtalaga ang Senate impeachment court ng apat na retiradong mahistrado bilang amici curiae upang magbigay-linaw sa usapin ng kinakailangang boto para sa conviction.
Ayon kay Garbin, bagamat mahalagang marinig ang pananaw ng mga amici curiae, higit na dapat manaig ang malinaw na probisyon ng Konstitusyon.
Nakasaad aniya sa Article 11, Section 3 na kailangan ang concurrence ng two-thirds ng lahat ng miyembro ng Senado para ma-convict sa impeachment.
Dahil 24 ang miyembro ng Senado, sinabi ni Garbin na 16 na boto ang kailangan para sa conviction.
Giit niya, kung nais baguhin ang two-thirds requirement, dapat amyendahan muna ang Konstitusyon sa prosesong itinakda nito at hindi baguhin sa pamamagitan lamang ng isang ruling.
Binigyang-diin ni Garbin na ang 16 na boto ay hindi lamang mungkahi kundi malinaw na requirement ng Saligang Batas.