Nanawagan ang Malacañang sa mga grupong nagpapahayag ng pagtutol sa Pax Silica initiative na dumaan sa mapayapang dayalogo sa halip na gumamit ng karahasan sa kanilang mga pagpo-protesta.
Ginawa ni Palace Press Officer at Communications Undersecretary Claire Castro ang pahayag kasunod ng naganap na tensyon sa pagitan ng mga kabataang nagpoprotesta at mga pulis noong Huwebes sa Luzon Economic Corridor (LEC) Investment Forum na ginanap sa Grand Hyatt Manila, Taguig City, kung saan dumalo si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Sa isang press conference sa Philippine Embassy sa New Delhi, India, binigyang-diin ni Castro na bagamat iginagalang ng Pangulo ang kalayaan sa pagpapahayag, dapat iwasan ng mga demonstrador ang mga kilos na makapananakit o magdudulot ng karahasan.
“Ang Pangulo po nire-recognize, ginagalang ang freedom of expression. Pero hindi po sa pamamaraang maaari kayong makapanakit o maaari pong dumaan ito o magdulot ng karahasan,” ani Castro.
Hinimok din niya ang mga grupo na makipag-ugnayan sa mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan para maiparating ang kanilang mga hiling at katanungan.
“Hindi masusulusyonan ang issue ninyo sa pamamagitan nang mararahas na pagpoprotesta. Tayo po ay bansa na gumagamit ng tamang pag-e-evaluate, tamang pag-iisip, tamang pagdedesisyon,” dagdag pa ng opisyal.
Ang Pax Silica ay isang iminumungkahing high-tech manufacturing at innovation hub sa ilalim ng LEC na naglalayong gawing pangunahing player ang Pilipinas sa global supply chain ng semiconductors, artificial intelligence (AI), at critical minerals. Inaasahang itatayo ito sa New Clark City sa Capas, Tarlac, kung saan tinatayang makalilikha ito ng hanggang 190,000 de-kalidad na trabaho para sa mga Pilipino.
Kapag ganap na naipatupad, maaari itong makahatak ng USD40 bilyon hanggang USD70 bilyon na pamumuhunan na magbubukas ng malaking oportunidad para sa mga lokal na inhinyero, researcher, at iba pang highly skilled professionals.